Kung may mas totoo pa sa pariralang, “Pinagtagpo pero ‘di tinadhana,” ito ay ang, “Nagmahal, pero nagparaya.”
Isang masayang panaginip ang pelikulang ito. Malayo sa nakasanayang rom-coms na palagi nating napapanood. Kung tutuusin ito ay pagkakabuhol-buhol at muling pagbubuo ng mga romantic tropes o debays na meron sa isang tipikal na love story, at sa tingin ko produkto rin ito ng zeitgeist ng 70s. Ang tema ay bawal na pag-ibig na binigyang kahulugan muli nina Christopher De Leon at Hilda Koronel, sa mahusay na direksyon ni Mike De Leon.
Ang Baguio City ay nagsilbing pangatlong karakter, lugar kung saan masayang maulanan, at maglakad sa kakahuyan. Ang umaga ni Joey ay mayamot, kaya’t kailangan ng katalista; at ang gabi ni Anna ay puno ng dalamhati sa kanyang binubuong pamilya. Magtatagpo sila sa umaga, at maghihiwalay pagkatapos ng gabi. Kailangan nilang magdesisyon: tumakas sa problema o harapin ang realidad ng buhay. Maging ano man ang kinahihinatnan, magpaparaya.
Isang paghinga ng sariwang hangin.